MAS maraming estudyante ang mahihikayat na mag-aral ng medisina at mapagaganda ang pagkakaloob ng healthcare services sa Northern Samar.
Ito, ayon kay Governor Edwin Ongchuan, kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng medicine program sa lalawigan.
Pinasalamatan ni Ongchuan ang pangulo matapos aprubahan ang matagal nang kahilingan ng lokal na pamahalaan na makapagtayo ng College of Medicine sa University of Eastern Philippines (UEP) sa bayan ng Catarman.
Noong Dec. 2, 2023 ay nilagdaan ni Pangulong Marcos upang maging ganap na batas ang pagtatatag ng College of Medicine sa UEP.
Layunin ng Republic Act 11972, na inakda ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza, na matugunan ang pangangailan na madagdagan ang medical education programs at mapababa ang gastos sa pag-aaral ng medisina sa Pilipinas.