23 August 2025
Calbayog City
Local

Bagong turnover na ambulansya, tumagilid at nahulog sa putikan sa Northern Samar

ISANG bagong turnover na Patient Transport Vehicle (PTV) ang tumagilid habang patungong Catarman, sa Northern Samar.

Kabilang ito sa isandaan at dalawampu’t apat na ambulansya na ipinamahagi sa mga munisipalidad at lungsod sa Eastern Visayas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa isang Ceremonial Turnover sa Ormoc City noong Aug. 18.

Nangyari ang aksidente sa Barangay Getigo, sa bayan ng Lope De Vega noong hatinggabi ng Lunes.

Batay sa imbestigasyon ng Lope De Vega Police, nawalan nang kontrol sa sasakyan ang driver matapos nitong iwasan ang isang kalabaw na biglang tumawid sa kalsada.

Dahil din sa makapal na hamog at malakas na pag-ulan ay limitado umano ang Visibility sa lugar.

Ayon sa pulisya, tumagilid ang ambulansya saka pabaliktad na nahulog sa putikan.

Sa kabila naman ng sinapit ng sasakyan ay kinumpirma ng mga awtoridad na ligtas ang driver ng ambulansya.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).