PATAY din nang matagpuan ang nag-iisang pasahero ng Piper Plane na bumagsak sa Isabela, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Sinabi ni Isabela PDRRMO Head Constante Foronda na alas nueve kinse ng umaga kahapon nang matagpuan ang katawan ng babae, ng K-9 trackers dalawandaang metro pababa ng dalisdis ng bundok mula sa pinagbagsakan ng eroplano.
Inihayag ni Foronda na tumagal ng mahigit tatlong oras bago nila inilabas ang impormasyon dahil kailangan pa muna nila itong ipaalam sa pamilya ng nasawing pasahero.
Nov. 30 nang umalis ang Piper Plane sa Cauayan Airport subalit hindi na nakarating sa Palanan Airport.
Dec. 5 nang matagpuan ang nawawalang eroplano sa bisinidad ng Barangay Casala sa San Mariano, Isabela habang Dec. 7 nang marekober ang bangkay ng piloto.