Lumobo ng halos apat na beses ang debt service ng gobyerno noong Marso sa gitna ng pagtaas sa amortization payments.
Batay sa datos mula sa Bureau of Treasury, umakyat ng 275.3 percent o sa 533.523 billion pesos ang debt payments noong ikatlong buwan mula sa 142.171 billion pesos na naitala noong March 2023.
Malaking bulto nito o 86.7 percent ay binubuo ng amortization payments.
Tumaas ang principal payments noong Marso ng 469.2 percent o sa 462.579 billion pesos mula sa 81.273 billion pesos na binayaran sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Umakyat din ng 16.5 percent o sa 70.944 billion pesos ang interest payments noong ikatlong buwan mula sa 60.898 billion pesos noong March 2023.