ANIM katao ang nasawi habang dalawang iba ang nawawala matapos manalasa ang tropical cyclone Ferdie at pinaigting na habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa latest situational report ng NDRRMC, apat sa mga napaulat na nasawi at isinasailalim pa sa validation ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang ang dalawa pa ay mula sa Zamboanga Peninsula.
Sa mga nawawalang indibidwal, isa ay mula sa Zamboanga Peninsula habang ang isa pa ay sa Western Visayas.
Mayroon ding naitalang labing isang nasugatan mula sa BARMM at SOCCSKSARGEN.
Kabuuang 203,197 individuals o 47,166 families sa dalawandaan siyamnapu’t dalawang barangay ang naapektuhan ng masamang panahon.
Sa naturang bilang, 13,825 families ang nananatili sa evacuation centers habang 22,801 families ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang bahay.