Anim ang nasawi habang isa ang malubhang nasugatan sa sunog sa isang residential area sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Barangay 25 Chairman Obet Tolentino, nagsimula ang sunog sa second floor ng apat na palapag na bahay sa Calamba Street corner Ariaran Street.
Aniya, natutulog ang mga nakatira sa bahay nang sumiklab ang sunog, kahapon ng madaling araw.
Hindi pinalad na makalabas ng bahay ang anim na nasawi, kabilang ang dalawang bata.
Gayunman, isang bata ang nakalabas mula sa natutupok na bahay at agad dinala sa Philippine General Hospital.
Sa inisyal na impormasyon, posibleng may kinalaman sa kuryente ang sanhi ng sunog.