MULA sa Alert Level 2 ay itinaas sa Alert Level 3 ang status ng Mayon Volcano na nangangahulugang tumaas pa ang posibilidad ng delikadong pagsabog nito.
Ayon sa PHIVOLCS simula noong January 1 paulit-ulit na nakapagtatala ng pagguho sa summit dome ng bulkan na lumilikha ng rockfall events.
Sa loob ng ilang araw ay umabot sa 346 rockfall events at 4 volcanic earthquakes ang naitala ng PHIVOLCS.
Ayon sa PHIVOLCS, indikasyon ito ng magmatic eruption at pagtaas ng tsansa ng pagdaloy ng lava mula sa bulkan.
Inirekomenda na ng PHIVOLCS ang paglilikas sa lahat ng nasa 6-Kilometer Radius Permanent Danger Zone.
Samantala, agad ipatutupad ng lokal na Pamahalaan ng Camalig, Albay ang paglilikas sa mga nasa 6 Kilometer Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon.
Kasunod ito ng pagtataas ng PHIVOLCS ng alert level 3 sa bulkan.
Ayon kay Camalig Mayor Caloy Baldo, sakop ng isasagawang evacuation ng mga naninirahan sa mga Barangay Anoling, Sua, at Quirangay kaya inabisuhan na ang mga residente na simulan na ang paghahanda.
Tatlong paaralan ang pagdadalhan sa mga ililikas na residente kabilang ang Baligang Elementary School, Cotmon Elementary School at Bariw Elementary at High School.
Sa ilalim ng Alert Level 3, sinabi ng alkalde na tinatayang nasa halos animnaraang residente ang at risk.




