NASA limanlibo hanggang sampunlibong drivers at operators ng transport cooperatives ang inaasahang makikiisa sa “unity walk” ngayong Lunes, upang ihayag ang kanilang pagtutol sa senate resolution na nagre-rekomendang suspindihin ang Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP).
Ala sais kaninang umaga nang magtipon-tipon ang PRO-PUVMP groups sa Mabuhay Welcome Rotonda sa Quezon City saka magma-martsa patungong palasyo ng Malakanyang.
Sinabi ni Ed Comia, convenor ng Angat Kooperatiba at Korporasyon ng Alyansang Pilipino para sa Modernisasyon (Akkap Mo), sabayang strikes ang isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, gaya sa Cagayan de Oro at Cebu.
Inihayag naman ni Melencio Vargas, pangulo ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philipines (ALTODAP), na hindi nabigyan ng pagkakataon ang PRO-PUVMP groups na magsalita sa senate hearing.