INARESTO ang apat na katao dahil sa pagbebenta ng sanggol online sa ikinasang magkahiwalay na entrapment operation sa Pampanga at Bulacan.
Sa Angeles City, Pampanga dinakip ang isang ginang dahil inilako nito ang kasisilang pa lamang niyang anak sa halagang 30,000 pesos.
Ayon sa WCPC, katwiran ng nanay, hindi planado ang kaniyang pagbubuntis at mayroon pa siyang isang anak na mayroong sakit.
Sa Baliwag City naman, timbog ang nanay, lola, at tiyahin ng isang month old na sanggol.
Tinangka nilang ibenta online ang bata sa halagang 130,000 pesos.
Ayon sa mga suspek, gagamitin sana ang mapagbebentahan para mapiyansahan ang nakakulong na ama ng sanggol at para mapagamot ang maysakit na lolo.
Ang mga naarestong suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.




