TATLONG pulis ang patay habang apat na iba ang nasugatan makaraang makasagupa ang mga miyembro ng isang private armed group sa Barangay Mahayag, Sta. Margarita, Samar.
Sa impormasyong inilabas ng Police Regional Office-Eastern Visayas (PRO-8), kinilala ang mga nasawi na sina Staff Sergeant Christian Tallo, Corporal Eliazar Estrelles Jr., at Master Sergeant Paul Terrence Paclibar.
Ang mga nasugatan naman ay sina Corporal Rannel Pedamato, Corporal Mark Jason Sixta, Patrolman Ham Kritnere Capalis at Patrolman Mark Redoblado.
Ang mga police personnel ay mula sa 1st Samar Provincial Mobile Force Company at Regional Mobile Force Battalion-8.
Nasa barangay Mahayag ang mga otoridad para magsilbi ng warrants of arrest sa mga indibidwal na pinaniniwalaang mga miyembro ng criminal group nang mangyari ang bakbakan.
Matapos ang insidente ay dinakip ng joint police force ang apat pang mga suspek at narekober ang isang M16 rifle, isang caliber .45 pistol, at ilang mga bala.