Itutuloy ng grupong Manibela ang kanilang nationwide na tatlong araw na transport strike simula sa Miyerkules, Aug. 14.
Sinabi ni Manibela President Mar Valbuena, na lalahok din sa protesta ang kanilang mga miyembro sa mga lalawigan matapos panindigan ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Kabilang sa mga lalawigan at rehiyon na tinukoy ni Valbuena na lalahok sa transport strike ay ang Pangasinan, Central Luzon, Ilagan at Cauayan sa Isabela, Calabarzon, Western Visayas, Central Visayas, Cebu, Lapu-Lapu, Ormoc, Tacloban, Catbalogan, Iligan, Butuan, Cagayan De Oro City, Sarangani, at Davao City.
Naniniwala ang pinuno ng Manibela na dadami pa ang makikiisa sa kanila sa mga darating na araw, at mag-uusap din aniya sila ng mga lider ng Piston.
Ayon kay Valbuena, magsisimula ang kanilang protesta sa Miyerkules, ala sais ng umaga, sa Welcome Rotonda at magma-martsa ang kanilang mga miyembro hanggang sa Mendiola.