IDINEKLARA ng Malakanyang bilang Special Non-Working Day sa Maynila ang araw ng Biyernes, January 9 para sa kapistahan ng mahal na Poong Nazareno.
Sa Proclamation Number 1126 na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ito ay kasunod na rin ng kahilingan ng Manila City Government.
Layunin ng deklarasyon na matiyak na magiging maayos ang daloy ng prusisyon na inaasahang dadaluhan ng maraming deboto.
Ang pagdedeklara ng walang pasok ay makababawas din sa bilang ng mga sasakyan na babaybay sa mga kalsada sa Maynila sa nasabing petsa.
Una nang sinuspinde ng Manila City lgu ang pasok sa lahat ng antas sa mga paaralan sa lungsod sa January 9.
Samantala, magpapatupad ang PNP ng Gun Ban sa Maynila simula Jan. 8 hanggang 10, bilang bahagi ng Full Security Plan para sa pista ng Hesus Nazareno ngayong taon.
Ipinag-utos ni PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mahigpit na implementasyon sa suspensyon ng Permits to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) simula Huwebes hanggang Sabado.
Sinabi ni Nartatez na nakikipag-ugnayan sila sa pamahalaang lungsod ng Maynila para maisakatuparan ang partikular na layunin, at ito ay ang matiyak na magiging mapayapa at maayos ang religious activity, gaya sa mga nakalipas na taon.
Aniya, bagaman taunan ito ng ginagawa ay ayaw nilang magpaka-kampante dahil kada taon ay mayroong bagong security challenges at kailangan nilang paghusayan ang kanilang security operations.
Epektibo rin ang Liquor Ban sa Maynila sa mismong araw ng pista ng Nazareno sa Jan. 9 habang ipinagbawal din ang paggamit ng mga paputok at pailaw.




