NAGHAHANDA na ang Department of Education (DepEd) para sa pagbabalik ng nasa dalawampu’t pitong milyong mag-aaral sa mga paaralan sa opisyal na pagbubukas ng School Year 2025-2026 sa June 16.
Sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Operations Jocelyn Andaya, na ang naturang pigura ay mas mataas ng ilang libo kumpara noong nakaraang school year.
Aniya, nakatulong ang early registration na nagsimula noong Enero, upang matukoy at makapaghanda ang ahensya para sa Incoming Student Population.
At upang matiyak ang maayos na school opening, in-activate ng DepEd ang kanilang taunang Oplan Balik Eskwela ngayong Lunes, June 9 hanggang June 13.
Nakapaloob sa naturang inisyatiba ang Brigada Eskwela na isang cleanup and repair drive, na kinasasangkutan ng mga volunteer mula sa public at private sectors.
Ngayong araw ay pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Brigada Eskwela sa isang paaralan sa Bulacan.