NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maging ganap na batas ang Proposed National Budget para sa kasalukuyang taong 2026, matapos ang isang linggong pagbusisi sa lahat ng alokasyon nito at mga probisyon.
Pinirmahan ng pangulo ang 6.793-trillion peso 2026 National Budget sa Ceremonial Hall sa Malakanyang, na dinaluhan ng matataas na opisyal ng pamahalaan, mga senador at mga kongresista.
Sinabi ni Marcos na ngayon ay sisimulan na ang pinakamahirap na gawain – ang tiyakin na tama ang execution at pairalin ang totoong accountability.
Aniya, dapat ma-sustain ng 2026 Budget ang momentum sa education reform, health protection, food security, social security, at job creation.
Alinsunod sa konstitusyon, ang edukasyon ang tumanggap ng pinakamataas na alokasyon na mahigit 1.34 trillion pesos.
Samantala, halos 92.5 billion pesos na halaga ng line items sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations sa 2026 General Appropriations Act (GAA) ang vineto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ng pangulo na ibinaba sa “Absolute Bare Minimum” o sa pinakamababa nitong lebel simula noong 2019 ang Unprogrammed Funds, upang matiyak na gagastusin sa malinaw na serbisyo para sa kapakanan ng taumbayan ang Public Funds.
Nilinaw ni Marcos na ang Unprogrammed Appropriations ay hindi blangkong tseke, at hindi ito dapat gamitin ng mali o ituring bilang backdoor para sa discretionary spending.
Ang Unprogrammed Appropriations ay Budget items na popondohan lamang kapag may sobrang revenue ang gobyerno at iba pang funding sources, gaya ng loans o special laws.




