IDINEPLOY ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawa nitong barko para eskortan ang Civilian Mission na inorganisa ng Atin Ito Coalition sa West Philippine Sea, na nagsimula kahapon, May 26 hanggang May 30.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela, umalis noong linggo sa Puerto Princesa, Palawan ang BRP Melchora Aquino na isa sa pinakamalaking barko ng PCG patungong El Nido.
Sinabi rin ni Tarriela na alinsunod sa utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ay ipinadala rin ang BRP Malapascua.
Una nang inihayag ng Atin Ito na itutuloy nila ang misyon sa West Philippine Sea para dalhin ang kapayapaan sa pamamagitan ng musika, sa kabila ng panghihimasok ng Chinese vessels sa Sandy Cay kamakailan.