HINDI praktikal na isama pa sa Flag Ceremonies sa mga ahensya ng pamahalaan at paaralan ang pag-awit at pagbigkas ng panata para sa Bagong Pilipinas.
Pahayag ito ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), kasabay ng paniniwalang isa itong pagtatangka ng pagtuturo ng Doktrina na nagpapaalala sa Martial Law.
Binatikos ng TDC ang naturang hakbang sa pagsasabing ang tunay na nasyonalismo at pagmamahal sa inang bayan ay hindi maaring ipatupad sa pamamagitan ng mabababaw na ritwal o bulag na pagsamba sa pambansang simbolo, lalo na sa isang propaganda.
Binigyang diin ng grupo ng mga guro na ang pambansang awit na “Lupang Hinirang” ang pinaka-akmang awitin para sa Flag Ceremonies at pinakamabisang paraan para ituro sa mga mag-aaral ang Patriotism at Nationalism sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanila ng mga Lider at bayani na namuhay nang may tunay na pagmamahal sa Pilipinas.