NAGSAGAWA ng operasyon ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Intellectual Property Rights Division (NBI-IPRD) sa mga stalls sa Binondo, Manila at isang building unit sa Parañaque na nagbebenta ng mga pekeng produkto.
Ayon kay NBI Director Judge Jaime B. Santiago, isnilbi ang search warrants sa mga tindahan dahil sa paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Kasunod ito ng inihaing reklamo ng abogado ng “Louis Vuitton” laban sa mga tindahan na nagbebenta ng pekeng produkto gamit ang kanilang brand.
Ayon sa NBI, aabot sa mahigit 1,000 piraso ng pekeng produkto na ginamitan ng trademark ng “Louis Vuitton” ang nakumpiska na aabot sa P120,895,219 ang kabuuang halaga.
Paalala ni Santiago sa publiko, huwag tangkilikin ang mga pirated na produkto bilang proteksyon sa Intellectual Property Rights Owners at upang makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.