KINANSELA ang konstruksyon ng limang wind turbines na inisyal na plinano sa loob ng Calbayog Pan-as Hayiban Protected Landscape (CPHPL) sa Calbayog City.
Inilarawan ito ng mga opisyal at environmental advocates bilang malaking hakbang upang protektahan ang watershed at biodiversity ng lungsod.
Kilala rin bilang Calbayog Watershed, ang CPHPL ay critically protected area at isang primary water source na matatagpuan malapit sa boundary ng Calbayog City sa Samar at San Isidro, Northern Samar.
Inihayag ng City Government na kinumpirma ng Vena Corporation ang kanselasyon sa regular session ng Sangguniang Panlungsod noong Feb. 24, 2026.
Binigyang-diin ni Calbayog City Mayor Raymund “Monmon” Uy na bagaman sinusuportahan nila ang renewable energy initiatives, dapat ay isakatuparan ito ng responsable at batay sa scientific studies upang matiyak ang ecological stability.




