MAHIGIT labing anim na libong pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office sa tatlong araw na pagtitipon ng Iglesia ni Cristo sa Quirino Grandstand sa Maynila mula November 16 hanggang 18.
Ayon kay NCRPO Public Information Office Chief Police Major Hazel Asilo, sa nasabing bilang mahigit walong libo ang manggagaling mismo sa NCRPO habang halos walong libo naman ang augmentation mula sa iba pang regional offices.
Maliban sa pagtitipon ng INC sa maynila ay pinaghahandaan din ng NCRPO ang posibleng pagtitipon ng United People’s Initiative sa EDSA Shrine at sa People Power Monument sa Quezon City sa parehong petsa. Kasama ding pinaghahandaan ng pulisya ang posibleng pagkilos sa iba pang lugar sa Maynila gaya ng Mendiola Peace Arc at sa US Embassy.




