NAKA-heightened alert ang Bureau of Immigration (BI) kasunod ng paglalabas ng warrants of arrest laban kay Dating Ako-Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at sa labimpito niyang co-accused kaugnay ng maanomalyang Flood Control Projects.
Sa statement, sinabi ng BI na lahat ng pangalan ng mga akusado ay naka-encode sa database ng ahensya at haharangin, sakaling magtangkang umalis o pumasok sa pamamagitan ng alinmang airports o seaports ng bansa.
Samantala, isiniwalat ng BI na apat na akusado ang kasalukuyang nasa ibang bansa, kabilang na rito si DPWH OIC-Planning and Design Division Chief Montrexis Tamayo na huling nakita sa Qatar.
Gayundin sina Sunwest Inc. President and Board Chairman Aderma Angelie Alcazar na nasa Australia, at Sunwest Inc. Treasurer Cesar Buenaventura na kasalukuyang nasa United Arab Emirates.
Ayon sa pamahalaan, ang huling lokasyon ni Co ay sa Japan.
Napaulat na bumalik ang dating kongresista sa Europe, sa pamamagitan ng pagtungo muna sa China noong Huwebes.




