PINABULAANAN ng kampo ni Sandara Park ang akusasyon ng kanyang kapwa 2ne1 bandmate na si Park Bom na gumamit siya ng droga.
Iginiit ng kampo ni Sandara na “groundless” ang mga alegasyon laban sa kanya.
Pinag-uusapan ang dalawa matapos isiwalat ng “You and I” singer sa binura ng Instagram post, na ginamit siya bilang scapegoat sa umano’y drug abuse ni Sandara.
Sa report ng E Daily, sinabi ng isang source na malapit kay Dara na nababahala ang K-Pop idol sa kalusugan ni Park Bom.
Noong 2010 ay inakusahan si Bom ng pag-i-import ng 82 pills ng Adderall na highly regulated sa South Korea bunsod ng amphetamine content.
Ibinasura rin kalaunan ang kaso matapos linawin ng aktres na ginagamit niya ang gamot para sa kanyang attention deficit disorder.
Matapos balikan ang pinagdaanan noong 2010, ibinunyag ni Bom na ang insidente ay ginamit para pagtakpan ang paggamit ni Sandara ng drugs.




