DAPAT isulong ng gobyerno ang pagpapatupad muli ng work-from-home arrangement sa mga pribadong kumpanya at sa pamahalaan.
Ayon kay Sen. Erwin Tulfo, ito ay para makatipid ang mga manggagawa ngayong napakamahal ng presyo ng langis.
Sinabi ng senador na kung hindi naman talaga kailangan ang pisikal na presensya ng manggagawa sa kaniyang trabaho, gawing online na lang ang pagganap niya sa tungkulin.
Inihalimbawa ni Tulfo ang mga nag-oopisina at nasa sektor ng planning, research, admin, customer service at mga kahalintulad na tungkulin.
Nagawa na aniya ito noong panahon ng pandemya at naging epektibo naman.
Ayon pa sa senador, nagawa nga noong Covid-19 pandemic na maging ang medical consultation ay online lang, kaya bakit hindi ito magawa ngayon?
Para naman sa mga negosyo na kailangan talaga ang presensya ng empleyado gaya ng manufacturing, hotel, restaurant, at ospital, sinabi ni Tulfo na puwedeng ipatupad na lang ang ride sharing o carpooling para makatipid.




