NAGDEKLARA na ng kandidatura para sa 2028 Presidential Elections si Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang press briefing, sinabi ni VP Sara na handa niyang ialay ang kanyang buhay at lakas para sa serbisyo sa bayan.
Sinabi ni Duterte na sa unang buwan pa lamang ng kanilang termino ay nakita na niya ang kawalan ng katapatan ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga pangakong binitawan sa kampanya, gayundin sa tungkulin sa bayan.
Iginiit niyang dahil hindi niya kayang maging bahagi ng 2025 National Budget na tadtad ng katiwalian, pinili niyang umalis sa gabinete.
Ito ay kahit alam niyang noong pang 2023 ang magiging kapalit ng pagkalas niya ay ang kanyang impeachment.
Humingi ng paumanhin ang pangalawang pangulo sa pagtulong niyang maihalala si Marcos bilang pangulo ng bansa
Sinabi pa ng bise presidente na sa gitna ng mga nangyayaring problema sa bansa ay natatakot siya para sa susunod na henerasyon, gayundin para sa mga Pilipinong wala namang bahay sa ibang bansa, walang pangalawang pasaporte at walang ibang matakbuhan kundi ang Pilipinas kahit ito ay patuloy na nalugmok sa kahirapan.
Samantala, “good luck” ang tugon ng Malakanyang sa anunsyo ni Vice President Sara Duterte na tatakbo siyang pangulo sa 2028 National Elections.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro sa briefing, na narinig ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang statements ng bise presidente.
Kahapon ay inanunsyo ni VP Sara sa isang press conference ang kanyang pagkandidato bilang presidente sa susunod na halalan.
Bago ang naturang presscon, ipinag-utos ni Duterte na alisin ang logo ng Office of the Vice President sa podium. Hindi rin ito sumagot sa anumang tanong mula sa mga reporter pagkatapos ng kanyang talumpati.




