BINUWELTAHAN ni Vice President Sara Duterte ang National Security Council (NSC) dahil sa pag-iimbestiga sa kanyang assassination threat laban kay pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Matapos igiit na “maliciously taken out of logical context” ang kanyang banta laban sa Pangulo, sa First Lady, at sa House Speaker, kinuwestiyon din ni VP Sara ang awtoridad ng NSC sa pamamagitan ng open letter na naka-post sa kanyang personal facebook page, at ibinahagi rin ng Office of the Vice President.
Binigyan ni Duterte ang konseho ng 24-hour ultimatum para magpaliwanag kung bakit hindi siya isinama sa lahat ng meetings simula June 2022.
Hinamon din ng bise presidente ang NSC na mag-produce ng documentation ng kanilang security assessment sa kanyang mga sinabi laban kay Marcos, kabilang ang attendance records at notarized minutes.
Hinimok ni VP Sara ang lahat ng miyembro ng lupon, maging ang mga Pilipino na igiit ang transparency at accountability mula sa personnel ng NSC.
Hiniling din ni Duterte sa council na isama sa kanilang agenda para sa susunod na meeting ang kanyang request na iprisinta ang mga banta laban sa Vice President, OVP Institution, at Personnel.




