Isang malakas na magnitude 6.9 na lindol ang tumama sa bahagi ng northern Cebu kagabi, Setyembre 30 bandang 9:59 PM. Ang epicenter ay naitala sa northeast ng Bogo City ayon sa PHIVOLCS, at ito na raw ang pinakamalakas na lindol na tumama sa Cebu sa kasaysayan.
Niyanig ang buong Bogo at kalapit na bayan tulad ng San Remigio, Medellin, at Tabuelan. Maraming gusali ang gumuho o nagkaroon ng matinding pinsala kabilang ang mga bahay, simbahan, at ilang government buildings. Sa San Remigio, bumagsak ang isang sports complex habang may laro, kung saan ilan ang nasawi at marami ang nasugatan.
Mahigit 13 million pesos na halaga ng Uncertified Appliances, kinumpiska sa Bulacan
2.7 million pesos na halaga ng smuggled na sigarilyo, nakumpiska sa Basilan
Calayan, Cagayan, isinailalim na sa State of Calamity dahil sa epekto ng Bagyong Nando
Maguindanao Del Sur, isinailalim sa State of Calamity dahil sa malawakang pagbaha
Sa pinakahuling datos, nasa mahigit 69 na ang kumpirmadong nasawi at higit 150 ang sugatan. Patuloy pa ring hinahanap ang ilan pang mga nawawala habang nagpapatuloy ang rescue at clearing operations. Puno na ang Bogo Provincial Hospital kaya’t dinala na rin ang ibang sugatan sa mga temporary treatment sites.
Nadama rin ang ilang malalakas na aftershocks, kabilang ang magnitude 5.0 bandang 10:24 PM. Dahil dito, pinag-iingat ang mga residente na huwag munang bumalik sa mga nasirang bahay o gusali dahil posibleng magdulot ng karagdagang sakuna.
Nagdeklara na ng state of calamity ang probinsya ng Cebu upang magamit ang calamity funds para sa agarang relief at rehabilitation. Nagpadala na rin ng suporta ang national government; mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay nangakong tututukan ang relief at recovery operations sa mga apektadong lugar.
Pansamantala ring nagkaroon ng tsunami alert para sa mga baybayin ng Cebu, Leyte, at Biliran pero agad itong binawi matapos walang naitalang kakaibang wave activity. Samantala, nananatiling operational ang Mactan-Cebu International Airport para mas mabilis ang pagpasok ng relief goods at medical aid.
Habang patuloy ang pagbangon mula sa trahedya, nananawagan ang mga otoridad na manatiling alerto, makinig sa abiso ng PHIVOLCS, at mag-ingat sa mga posibleng aftershocks. Sa ngayon, patuloy ang pag-abot ng tulong at dasal para sa mga pamilya at komunidad na apektado ng lindol sa Cebu.