TINIYAK ng Quezon City Local Government Unit ang agarang tulong sa mga empleyadong naapektuhan o pansamantalang mawawalan ng trabaho dahil sa insidente ng sunog sa Landers Supermarket sa Fairview.
Ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan, bibigyan ng tulong-pinansyal ang mga empleyado sa ilalim ng programang Alagang QC.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang QC LGU sa pamunuan ng Landers Supermarket dahil sa nangyaring trahedya na nagdulot ng malawak na pinsala.
Ayon sa pahayag ng City Government, sa halos dalawang taon nitong operasyon, ang mga residente ng lungsod ay nabigyan ng de-kalidad at maginhawang pamimili at naging mahalagang bahagi na rin ng komunidad.
Nakikipag-ugnayan ang pamahalaang lungsod sa pamunuan ng Landers upang tukuyin kung ano pa ang kinakailangang tulong.
Samantala, sa isyu naman ng umano’y pagnanakaw o looting, handang ang lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa imbestigasyon.




