MALAWAKANG pagbaha ang naranasan sa ilang lugar sa Eastern Visayas noong Sabado dahil sa Bagyong Ramil.
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan ay umapaw ang Jacopon River sa Daram, Samar.
Tinaya sa apatnapung kabahayan sa Barangay Jacopon ang nalubog sa baha.
Naranasan din ang pagbaha sa Barangay Birawan sa Daram nang umapaw ang kanilang ilog, at naapektuhan ang nasa limampung kabahayan.
Kabilang din sa naapektuhan ng pagtaas ng tubig ang Birawan National High School.
Nakaranas din ng pagbaha ang Barangay Caglanipao sa San Isidro, Northern Samar, maging ang ilang lugar sa Guiuan, Eastern Samar, kasama ang Campoyong Elementary School at Guiuan East Central School.
Sa Biliran, binaha rin ang Barangay Sampao sa bayan ng Almeria, at nagmistulang ilog ang Highway sa Barangay Sabang sa bayan ng Naval.
Naitala naman ang Landslide sa Barangay Abijao sa Villaba, Leyte, at nabarahan ang bahagi ng Highway, subalit agad namang naikasa ang Clearing Operations.