Tambak na basura ang naiwan sa mga lansangan, pumping stations, at iba’t ibang daluyan ng tubig sa Metro Manila matapos ang pagragasa ng ulan dala ng bagyong Carina at habagat.
Ang gabundok na basura sa mga pumping stations ay nakakaapekto sa operasyon ng nasabing mga pasilidad.
Ayon sa MMDA, kapag nababarahan ng basura ang pumping station, kinakailangan muna itong alisin bago muling paganahin.
Puspusan naman ang ginagawang clearing operasyon ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office at Metro Parkways Clearing Group para hakutin ang halo-halong basura.
Paalala ng MMDA sa mga mamamayan, maging disiplinado at iwasan ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.