HALOS kalahating milyon na karagdagang Family Food Packs ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa.
Ayon sa DSWD, malaking bulto ng Food Packs ang ipinadala sa mga LGU sa Central Visayas, Western Visayas, Caraga, at Eastern Visayas.
Mahigit fourteen thousand din na Ready-To-Eat Food Boxes ang ipinamahagi sa siyam na rehiyon sa bansa para maipamigay sa mga pasaherong Stranded sa mga pantalan.
Samantala, hindi na maniningil ang Philippine Ports Authority o PPA ng RORO Terminal Fee sa mga sasakyang maghahatid ng Rescue Equipment at Relief Goods para sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Kasaba sa hindi pagbabayarin ng Terminal Fee ang mga sasakyan ng Gobyerno at Private Vehicles na may dalang Relief Goods o Rescue Equipment.
Ayon sa Department of Transportation, libre na rin ang Cargo Fees sa Local Airlines para sa mga maghahatid ng tulong sa mga nasalantang residente.
Nauna na ring iniutos ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Toll Regulatory Board na ilibre ang Toll ng mga sasakyang reresponde sa Emergency at Rescue Operations na kailangang dumaan ng Expressways.




