13 November 2025
Calbayog City
National

Sa Pamumuno ni Chief Nartatez: PNP Pinagtitibay ang Laban sa Katiwalian

SA pamumuno ni Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., muling pinatunayan ng PNP na naninindigan ito para sa tapat, makatarungan, at marangal na paglilingkod sa bayan.

Sa High Command Conference na dinaluhan ng ICI at iba pang pangunahing ahensya ng pamahalaan noong November 12, 2025 sa Camp Crame, Quezon City, binigyang diin ni Chief Nartatez na ang serbisyo ng PNP ay hindi lamang nakasentro sa pagpapatupad ng batas kundi pati sa pagtataguyod ng katotohanan at tiwala ng publiko.

Kabilang sa mga dumalo sina PNP Acting Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., DPWH Secretary Vince Dizon, AFP Chief of Staff GEN Romeo S. Brawner Jr., at ang mga kinatawan ng ICI na sina Commissioner Rogelio L. Singson, PGEN Rodolfo Azurin (Ret.), GEN Ariel Caculitan, Atty. Raymond R. Rojas, Atty. Rufino Mantos III, at Chairperson Justice Andres B. Reyes Jr. (Ret.).

“Bilang tagapangalaga ng batas at tagapagtanggol ng katotohanan, tungkulin ng PNP na tiyakin na ang bawat imbestigasyon ay isinasagawa nang may integridad at katarungan. Hindi kami magpapadala sa anumang impluwensiya o kompromiso sapagkat bawat hakbang na aming ginagawa ay nakatuon sa katapatan, pananagutan, at paghahatid ng hustisya para sa sambayanang Pilipino,” pahayag ni Nartatez.

Dumalo sa pagpupulong ang mga pangunahing opisyal mula sa Office of the Ombudsman, DOJ, NBI, AFP, DPWH, at ang PNP upang palakasin ang magkatuwang na hakbang sa pagsisiyasat ng mga “ghost projects” sa imprastruktura ng bansa.

Sa ilalim ng malinaw at matatag na direksyon ni Chief Nartatez, kanyang idiniin ang masigasig na papel ng PNP sa pinagsanib na imbestigasyon, partikular sa pagbibigay ng intelligence, forensic, at investigative support para mapalakas ang laban ng pamahalaan sa katiwalian.

Ipinaliwanag ni Chief Nartatez na ang PNP ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas, kundi mahalagang katuwang din sa pagtataguyod ng isang bansang nakabatay sa pananagutan at katotohanan. Binigyang diin niya na ang mga pulis ay patuloy na nagsusumikap upang matiyak na walang paglabag ang makalulusot sa hustisya.

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).