BUMILI ang Quezon City Government ng mga bakuna at antibiotics na nagkakahalaga ng labintatlong milyong piso para malabanan ang pertussis o whooping cough sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Joy Belmonte na kabilang sa kanilang binili ay 3,500 vials ng 6-in-1 vaccine; 1,012 bottles ng azithromycin; at 1,000 bottles ng clarithromycin.
Inihayag ni Belmonte na bukod sa pertussis, ang 6-in-1 vaccine ay nagbibigay din ng proteksyon mula sa diphtheria, tetanus, polio, haemophilus influenza, at hepatitis B.
Ang 6-in-1 vaccine ay ibinibigay sa mga sanggol na anim na linggo pataas na hindi pa nakatatanggap ng bakuna para sa pertussis, habang ang azithromycin at clarithromycin ay antibiotics para mga pasyenteng may whooping cough.