ISINIWALAT ni Megastar Sharon Cuneta na sumailalim siya sa spine procedure sa Singapore, kamakailan, matapos dumanas ng tuloy-tuloy na pananakit na nakaapekto sa kanyang balakang at binti sa loob ng halos dalawang taon.
Ibinahagi ng veteran actress-singer ang update sa kanyang fans sa pamamagitan ng social media post.
Ayon kay Sharon, ang kanyang biyahe sa Singapore ay hindi para mamasyal kundi para magpagamot na may kaugnayan sa kanyang spine.
Aniya, maayos naman ang kanyang pakiramdam at patuloy na nagpapagaling.
Sinabi ng aktres na nakatulong ang procedure para ma-address ang pinanggagalingan ng kanyang sakit, bagaman kailangan niyang bumalik sa Singapore para sa karagdagang treatment matapos madiskubre sa mga test na mayroon siyang additional issues sa kanyang leeg.




