20 May 2025
Calbayog City
National

“Notorious Nine” ng Aklan, Sinampahan ng DQ Cases sa COMELEC

PORMAL nang sinampahan ng disqualification cases sa Commission on Elections (COMELEC) ang tinaguriang “Notorious Nine” ng Aklan, kasunod ng sunod-sunod na reklamo dahil sa umano’y malawakang dayaan, pamimili ng boto, at paglustay sa yaman ng bayan para sa pansariling interes.

Pawang mga kandidato mula sa partidong Tibyog Akean, inaakusahan ang grupo ng matitinding paglabag sa Omnibus Election Code — kabilang ang maling paggamit ng pondo ng bayan, pagpapagamit sa mga empleyado ng gobyerno sa gawaing pang-partido, at pamimigay ng mga insentibong gaya ng gas vouchers upang impluwensyahan ang mga botante.

Tinawag ng mga nag-aalalang mamamayan na “Notorious Nine” ng Aklan, ang mga isinasangkot ay sina: kasalukuyang Gobernador at reeleksiyonistang si Jose Enrique “Joen” Miraflores; dating Gobernador at kandidato sa ika-2 Distrito si Florencio “Joeben” Miraflores; kandidato sa ika-1 Distrito si Jesus “Papa Jess” Marquez; kandidato sa Bise Gobernador na si Dexter Calizo; at mga kandidato sa Provincial Board na sina Bayani “Jojo” Cordova, Romeo “Lolong” Dalisay, Jupiter Aelred Gallenero, Atty. Ricardo “Tingtong” Ibarreta, Jr., at Plaridel “Larry” Solidum.

Ilang ulat ang lumutang tungkol sa malawakang paggamit ng mga sasakyang pag-aari ng gobyerno, partisipasyon ng mga empleyado ng pamahalaan habang oras ng trabaho, at maramihang pamamahagi ng campaign materials, gas vouchers, at iba pang insentibo — bagay na inilarawan ng mga residente bilang isang “organisado at tahasang pandaraya sa halalan.”

Hindi na rin bago sa kontrobersiya ang ilan sa mga sangkot. Ang makapangyarihang Miraflores dynasty ay ilang ulit nang nasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian — gaya ng iregularidad sa pamamahala ng environmental regulations sa Boracay at mga tanong sa kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) — dahilan upang lalong lumakas ang panawagan ng publiko para sa hustisya.

“Hindi na ito tungkol sa maruming politika, kundi sa mga politikong marurumi,” ani ng isang nagmamalasakit na Aklanon, na sumasalamin sa lumalakas na sentimyento ng bayan.

Kapag napatunayang may basehan ang mga reklamo, maaari silang maharap sa habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, alinsunod sa batas sa halalan ng Pilipinas.

“Sobra na. Panahon na para habulin ng batas ang matagal nang nag-aakalang sila ay nasa itaas nito,” ani pa ng isa pang mamamayan. “Ito ay laban para maibalik ang dangal at integridad sa halalan sa Aklan.”

Nagbabala rin si COMELEC Chairperson George Garcia sa mga nasasangkot, matapos kumpirmahin ang mga ulat ng iregularidad mula mismo sa lalawigan. “’Dyan sa may bandang Aklan, may namimigay dyan ng gas coupon,” ani Garcia sa isang panayam. “Warning ito sa kanila — we are watching you.”

ricky

Editor-in-Chief
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).