NAKIPAGKITA si Israeli President Isaac Herzog kay Bearnie Lavarias, ang mister ni Mary Ann De Vera na nasawi sa missile attack.
Sa pulong sa President’s House sa Jerusalem personal na ipinaabot ni President Herzog ang kaniyang pakikiramay sa sinapit ng Pinay.
Ayon sa presidente, dati rin silang nagkaroon ng Filipino caregiver sa kanilang pamilya at marami sa kanilang mga mamamayan ang itinuturing na parte na ng pamilya ang mga Pinoy caregivers.
Nagpasalamat si Herzog sa Filipino community sa kanilang dedikasyon at kontribusyon sa Israeli society.
Tiniyak din ng Israeli president kay Lavarias na ipagkakaloob ng gobyerno ang financial assistance sa ilalim ng compensation program ng pamahalaan para sa mga war victim gayundin ang buwanang stipend na bahagi naman ng National Insurance System.




