PATULOY ang pangangalap ng mga ebidensya ng PNP upang matukoy ang motibo sa pagpaslang sa dating mayor ng Kalibo, Aklan at beteranong mamamahayag na si Johnny Dayang.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Brig. Gen. Jean Fajardo, may sinusundang magandang lead ang Special Investigation Task Group, at nagsasagawa rin ng back-tacking sa mga CCTV footage, upang malaman ang mga huling pinuntahan ni Dayang, gayundin ang pagkuha ng salaysay sa mga testigo at kaanak ng biktima.
Tinitingnan din ng pulisya ang lahat ng anggulo, kabilang na ang pagiging mamamahayag ni Dayang at kung may sinusuporatahan itong kandidato sa nalalapit na halalan.
Binaril si Dayang ng hindi pa nakikilalang suspek noong Martes ng gabi sa tahanan nito habang nanonood ng TV at idineklara itong dead on arrival sa ospital.
Si Dayang ay nagsilbing longtime president ng Publishers Association of the Philippines, Inc., Kolumnista ng Balita at Tempo, dating presidente ng Manila Overseas Press Club at direktor at board secretary ng National Press Club.