PINAYUHAN ng Philippine Sports Commission ang mga national team, mga atleta at sports personnel na ipagpaliban muna ang non-essential overseas travel dahil sa umiiral na tensyon sa Middle East.
Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, ang gulo sa Gitnang Silangan ay maaaring makaapekto sa international air routes.
Sinabi ng PSC na may ilang Philippine teams ang na-stranded sa ilang bansa at ngayon ay tinutulungan na ng komisyon para makauwi.
Kabilang dito ang Filipino tennis player na si Francis Casey Alcantara na lumahok sa ATP Challenger 50 tournament sa Fujairah, United Arab Emirates.
Ani Gregorio, nakipag-ugnayan na ang PSC sa embahada ng Pilipinas sa UAE para mabigyan ng tulong si Alcantara at agad itong makabalik sa Pilipinas.




