Mariing kinondena ng liderato ng Mababang Kapulungan ang pinakabagong insidente ng pagpaslang sa isang mamamahayag sa Misamis Occidental.
Si Juan Jumalon o mas kilala bilang DJ Johny Walker ng 94.7 Calamba Gold FM ay pinaslang ng hindi pa nakikilalang salarin habang nagpoprograma at aktwal na napanood ng marami dahil sa livestreaming.
Sa inilabas na pahayag ni House Speaker Martin Romualdez, muling binigyan diin na ang kalayaan ng pamamahahayag ay ang pundasyon demokrasya ng bansa.
Giit ng mambabatas, bawat mamamahayag ay may karapatan na ipahayag ang kanilang propesyon at adbokasiya ng may kalayaan, walang takot at panganib sa kanilang buhay.
Dagdag pa ni Romualdez, anumang karahasan laban sa miyembro ng media ay hindi katanggap-tanggap kaya’t marapat lamang na mapanagot ang may kagagawan ng pagpaslang.
“To Filipino journalists: Your voices matter. Your stories matter. We stand with you and will continue to advocate for your safety and the right to perform your duties without intimidation or harm. Together, we will strive to put an end to these senseless acts of violence and uphold the sanctity of free expression in the Philippines,” ayon sa pahayag ni Romualdez.
Tiniyak din ng pinuno ng kamara ang suporta at pagtiyak ng kaligtasan ng mga mamamahayag sa paghatid ng mga pangyayari sa bansa.
Sa ulat ng Committee to Protect Journalist, simula 1986 hanggang 2022 umaabot na sa 158 mamamahayag ang nailat na napaslang sa Pilipinas. (Jack Adriano)