IPINAG-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang agarang Assessment sa Philippine National Railway (PNR) Bridge sa Albay na sinira ng Super Typhoon Uwan.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang pagkukumpuni nito.
Ayon sa DOTr, nasira ang tulay na nagdurugtong sa San Rafael at Maipon sa Guinobatan, Albay nang humagupit ang Bagyong Uwan, kahapon.
Sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na naka-standby ang PNR engineers at handang magsagawa ng inspeksyon sa sandaling bumuti na ang panahon.
Dahil sa tinamong pinsala, pansamantalang suspendido ang PNR Operations para sa rutang Naga-Legazpi, na makaaapekto sa may apatnaraang pasahero kada araw.
Inihayag ni Lopez na para matulungan ang mga commuter, inatasan ng DOTr ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-deploy ng karagdagang Public Utility Vehicles sa lugar.
Nakatakda ring magsagawa ang PNR ng komprehensibong inspeksyon sa buong ruta ng Bicol Commuter Train upang masigurado na wala nang iba pang istruktura ng tren na nakompromiso.




