INIHAIN sa Kamara ang panukalang batas na layong bigyan ng buwanang pitong libong pisong fuel subsidy ang mga manggagawang maliit lang ang kinikita.
Sa ilalim ng House Bill 8340 ni Parañaque Rep. Brian Yamsuan, target na mabigyan ng subsidiya ang mga nagtatrabaho sa bukid, mga mangingisda, mga nasa public transport, agricultural production, at iba pang low-income sectors.
Ani Yamsuan, bagaman nasa magkakaibang sektor, pare-parehong mababa ang kita ng nabanggit na mga manggagawa, kaya sila ang pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Batay sa panukala ng mambabatas, popondohan ang subsidiya sa ilalim ng General Appropriations Act partikular mula sa pondong nakalaan sa Department of Energy, Department of Transportation, Department of Agriculture at Department of Social Welfare and Development.
Kapag ganap nang naging batas, lilikhain ang isang Advisory Council na pamumunuan ng kalihim ng DOTr.




