KINUMPIRMA ng National Bureau of Investigation (NBI) na nag-match ang fingerprints nina Suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at Guo Hua Ping.
Inihayag ni Senador Risa Hontiveros na ang ibig sabihin nito, ang fingerprints ay pag-aari ng iisang tao lamang.
Aniya, ito ang magsisilbing pinakamatibay na ebidensya laban sa kontrobersyal na alkalde na pinaghihinalang pineke ang pagkakakilanlan.
Ang Dactyloscopy report na inilabas ng NBI kahapon ay batay sa Specimen ni Guo Hua Ping na nakalagay sa Alien Fingerprint Card na nakuha mula sa NBI Masterfiles, at sa fingerprints ni Alice Guo sa Biometric Printout mula sa NBI Information and Communications Technology Division.