ITINAAS ng PHIVOLCS sa Alert Level 1 ang status ng Bulusan Volcano sa Sorsogon kasunod ng pag-aalburuto nito madaling araw ng Lunes, Apr. 28.
Ayon sa PHIVOLCS mula sa Alert Level 0 o normal ay itinaas ang status ng bulkan sa Alert Level 1 o low-level unrest.
Ayon sa PHIVOLCS nagkaroon ng pagsabog mula sa summit crater ng Mt. Bulusan 4:36 ng umaga na tumagal ng 24 na minuto.
Nagdulot ito ng pagbuga ng ash plume na umabot sa 4,500 meters ang taas.
Dahil sa pagputok ng bulkan, nakapagtala ng ashfall sa mga barangay ng Cogon at Bolos sa Irosin; Puting Sapa, Guruyan, at Buraburan sa Juban, at Brgy. Tulatula Sur sa Magallanes.
Nakapagtala din ang PHIVOLCS ng 53 volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 na oras.
Inabisuhan ng PHIVOLCS ang mga Local Government Units at ang mga residente sa lugar na bawal ang pasok sa loob ng 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan.