NAGTUNGO ang beauty queen-actress na si Michelle Dee sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Pasay City para sampahan ng cyber libel complaint ang social media personality na si Xian Gaza at iba pang mga indibidwal na nasa likod ng Facebook Pages dahil sa pagpapakalat umano ng maling impormasyon tungkol sa kanya.
Sinabi ni Atty. Maggie Garduque, abogado ni Michelle, na ilan sa mga “fake” at “malicious” posts ay ang paglipad umano ng kanyang kliyente sa abroad para maiwasan ang kinakaharap nitong kaso.
Inihayag naman ng beauty queen-actress na nagtitiwala siya sa Justice System ng bansa, kalaunan ay lalabas din ang katotohanan.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat gawing normal ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga babae.
Si Michelle, kasama ang kapwa kapuso actress na si Rhian Ramos at beauty queen-politician na si Samantha Panlilio, ay inakusahan ng pambubugbog sa driver dahil aksidente umanong napunta rito ang ilang mga sensitibong larawan.




