EPEKTIBO na sa Dec. 8 ang bagong Wage Order na nagtataas sa arawang sweldo ng minimum wage earners sa pribadong sektor sa Eastern Visayas.
Ito ang inanunsyo ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), matapos aprubahan ang 35 pesos na Daily Wage Increase para sa private sector workers.
Ang umento ay ipatutupad sa pamamagitan ng dalawang bugso, na ang una na 17 pesos ay sa Dec. 8 habang ang natitirang 18 pesos ay sa June 1 sa susunod na taon.
Dahil sa adjustment, ang Daily Minimum Wage para sa mga manggagawa sa agriculture, cottage and handicrafts, at service/retail establishments na may mahigit sampung empleyado ay magiging 440 pesos mula sa 405 pesos.
Ang mga manggagawa naman sa non-agriculture at service/retail establishments na may mahigit sampung empleyado ay tataas sa 470 pesos ang kanilang arawang sweldo mula sa kasalukuyang 435 pesos.




