PATONG-patong na kaso ang kakaharapin ng mga dinakip bunsod ng sumiklab na Riot sa gitna ng Anti-Corruption Rally sa Maynila noong Linggo.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na batay sa impormasyon mula sa Manila Police District (MPD), 127 ang dinakip na adults habang 89 ang mga menor de edad.
Sa kabuuang bilang ng minors, 67 ang itinuturing na Children in Conflict with the Law (CICL) habang 24 ang tinukoy bilang Children at Risk (CAR).
Maliban sa 24 na Children at Risk, inihayag ni Moreno na kakasuhan ang 192 rioters ng paglabag sa Batas Pambansa 880 (The Public Assembly Act of 1985), Article 146 ng Revised Penal Code (Illegal Assembly), Article 148 (Assault Against a person in Authority and their Agent), at Article 151 (Resistance and Disobedience).
Samantala, ang iba pang mga kaso, gaya ng Malicious Mischief, Arson, Physical Injuries, at Inciting to Sedition ay ini-evaluate pa kung maisasampa rin laban sa mga inaresto.




