MAHIGPIT na ipatutupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang public safety rules sa ilalim ng kanilang Safer Metro Manila Initiative.
Target nito ang mga nag-iinuman sa kalsada, curfew violation, at iba pang community ordinances.
Sa launching ng programa, ipinaalala ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa mga residente na bawal na ang maglatag ng mga silya at lamesa sa mga kalye at mag-inuman, dahil numero uno itong pinagmumulan ng away at pambabastos.
Paiigtingin din aniya ang mga panuntunan sa curfew para sa mga menor de edad at unsupervised individuals.
Sinabi ng kalihim na ang mga indibidwal na walang proof of employment or schooling ay hindi papayagang gumala sa mga kalsada paglagpas ng alas diyes ng gabi.
Pinaalalahanan din ang mga kalalakihan na bawal maglakad sa labas ng bahay nang walang damit na pang-itaas kahit pa mainit ang panahon.
Binalaan din ang mga residente na bawal ang pagbi-videoke kapag lumagpas na ng alas diyes ng gabi, maliban na lamang kapag may espesyal na okasyon at dapat ay may permit mula sa barangay.




