Hindi makatatanggap ng overtime pay ang mga guro na nag-extend ng kanilang duty sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, subalit nag-alok ang Department of Education (DepEd) na bigyan sila ng additional service credits.
Sinabi ni COMELEC Chairman George Garcia na bagaman nais ng poll body na bayaran ang ekstrang oras ng mga guro na nagsilbi sa eleksyon, nakasaad sa government rules na ang overtime pay ay para lamang sa mga empleyado ng ahensya.
Nilinaw ni Garcia na ang mga guro na nagsilbi bilang Electoral Board Members ay hindi empleyado ng COMELEC.
Idinagdag pa ng poll chief na hindi kasama sa ibinigay sa kanilang budget ang para sa naturang item.
Samantala, inihayag ni DepEd Assistant Spokesperson Francis Bringas na ang mga guro na nag-duty ng mas mahabang oras sa BSKE ay posibleng bigyan ng additional service credits, bukod sa limang araw na service credits na nakasaad sa resolusyon ng COMELEC.