HUMIRIT sa International Criminal Court ang defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para ma-disqualify ang mga abogado na kumakatawan sa mga nagrereklamong biktima ng drug war.
Sa redacted filing, binanggit ng kampo ni FPRRD ang conflicts of interest at obstacles to fair representation bilang grounds para ma-disqualify sina Atty. Joel Butuyan at Gilbert Andres at ang case manager na si Nicolene Arcaina.
Hinikayat din ng defense team ang Pre-Trial Chamber na huwag nang payagan ang mga nabanggit na abogado na maka-access sa rekord ng kaso.
Ayon sa defense team ni FPRRD, nabigo ang mga abogado na ilahad ang relevant facts na maaaring makaapekto sa kanilang impartiality.
Nakasaad sa inihaing dokumento ng kampo ng dating pangulo na ang mga abogado ng mga biktima ay ilang beses na ring nakapanayam ng media kung saan binabanggit ang paniniwala nilang guilty ang dating pangulo o kaya naman ay nagsasabi sila ng komento tungkol sa karakter ni FPRRD.




