14 October 2025
Calbayog City
National

Mayor Alice Guo pinabulaanan ang paratang, walang sapat na ebidensya para tawaging kasabwat

Nanindigan si Bamban Tarlac Mayor Alice Guo na wala itong koneksyon sa anumang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) operations sa bansa kaya maling tawagin itong “conspirator” nang walang matibay na ebidensya.

Ang pahayag ay ginawa ni Mayor Guo bilang reaksyon sa kasong Anti-Trafficking in Persons na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ) ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Giit ni Mayor Guo, ang pagkakaroon lamang ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal ay hindi sapat na batayan upang tawagin ang isang tao na kasabwat.

Inihayag ng alkalde na ang mga ganitong akusasyon ay kailangang masuportahan ng sapat na ebidensya.

“Ang pagiging conspirator ay may legal na batayan sa ating bayas. Ang pagkakaroon ng koneksyon sa mga kumpanya o indibidwal, lalo na kung hindi malinaw, ay hindi sapat upang iugnay ang isang tao sa kaso, partikular na sa kaso ng Human Trafficking,” sabi ni Mayor Guo.

Binanggit niya na wala siyang anumang kaugnayan o pakikibahagi sa Zunn Yuan Technology, Inc. o anumang POGO sa bansa.

Kahit na hindi pa natatanggap ang kopya ng pormal na reklamo, nananatiling kumpiyansa si Mayor Guo na walang sapat na ebidensya na mag-uugnay sa kanya sa mga paratang.

donna cargullo

Chief News Correspondent
A passionate Mom of Three Kids, A Hands-on Loving Wife to Junmar. A top caliber News Producer who worked previously from Different News Organizations based in Manila like Radyo Inquirer & RMN Manila. Currently one of the producers of BuenaMano Balita & at the same time the Chief Correspondent of IR Calbayog.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *