INATASAN ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang district engineer ng North Manila District Engineering Office na ipaliwanag ang umano’y mga iregularidad sa Sunog Apog Pumping Station Flood Control Project.
Inilabas ni DPWH Secretary Vince Dizon ang Show Cause Order matapos bisitahin ang pasilidad.
Kabilang sa natuklasan ay ang hindi pag-gana ng pumping station simula nang makumpleto noong 2020 kahit buo itong binayaran.
Sa halip na makabawas sa baha, pinalala pa umano ng pasilidad ang sitwasyon sa lugar, dahil mas tumaas pa ang tubig.
Mayroon ding pinasimulan na additional na 94 million pesos na upgrading project, kasama ang karagdagang proposal na 200 million pesos, sa kabila ng hindi maresolbang mga depekto at kawalan ng pruweba na gagana na ang pumping station.
Binigyan ng DPWH ang Manila district engineer ng limang araw para magpaliwanag.