22 November 2024
Calbayog City
National

Maling paggamit ng Social Media, Artificial Intelligence, at Internet, ipagbabawal ng Comelec sa 2025 Elections

SISIMULAN na ng Comelec ang pag-regulate at pagbabawal sa maling paggamit ng social media, Artificial Intelligence (AI), at internet para sa 2025 National and Local Elections at Bangsamoro Polls.

Alinsunod sa resolusyon, nagtakda ang Comelec En Banc ng guidelines para sa paggamit, pagbabawal, at pagpaparusa sa maling paggamit ng teknolohiya sa digital campaigning para sa dalawang nabanggit na halalan sa susunod na taon.

Ang task force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa halalan, na pinamumunuan ng Comelec Education and Information Department (EID), ang mangangasiwa sa implementasyon ng election campaigning rules, at magmo-monitor, magde-detect at tatanggap ng reports ng sinasabing misuse.

Sa ilalim ng resolusyon, lahat ng mga kandidato, partido, at kanilang campaign teams ay obligadong i-rehistro ang lahat ng kanilang official social media accounts at pages, websites, podcasts, blogs, vlogs, at iba pang online at internet-based campaign platform sa EID, sa loob ng 30 calendar days, kasunod ng paghahain ng certificates of candidacy, o hanggang sa Dec. 13, 2024.

Rerebyuhin ng election task force ang applications at i-e-endorso ito para sa approval o denial ng Comelec En Banc.

ricky
A seasoned broadcast journalist, a former news reporter/anchor of Inquirer Television/Radio Inquirer-Manila under the Inquirer Group of Companies (IGC).